MANILA, Philippines - Itataya ngayon ni WBC Youth Intercontinental flyweight champion Milan Melindo ang kanyang titulo sa pagharap kay Komrit Twins Gym ng Thailand ngayong gabi sa Lodge, Chi Garden sa Dubai.
Walang talo sa 20 laban kasama ang limang knockout, unang pagdepensa sa titulo ang gagawin ni Melindo sa titulong inagaw kay Anthony Villarreal ng US nitong Enero 14 sa Cebu City.
Si Komrit ay hindi orihinal na kalaban dahil ang nakalinya rito ay si Devis Perez ng Colombia ngunit hindi ito nakaalis sa kanyang bansa dala ng malawakang epekto ng pagkaputok ng bulkan sa Ireland.
Biglaan man ang pagpapalit, tiyak na patok pa rin si Melindo dahil ang kalaban niyang Thai ay tumigil sa loob ng tatlong taon matapos matalo kay AJ Banal noon sa pamamagitan ng first round KO.
Ang labang ito ni Melindo ay maaaring kanyang huli sa dibisyon dahil plano na ng kanyang manager na Ala Promotions na iakyat na siya sa mas mataas na light flyweight division sa susunod na laban.
Wala namang hirap na aabot ni Melindo ang timbang sa weigh-in kahapon sa Dusit Thani Hotel nang pumasok ito sa 110 pounds.
Si Komrit naman ay inaasahang dumating kagabi saka siya titimbangin.
Si Melindo ang isa sa tatlong Pinoy na lalaban dahil sina Rey “Boom Boom” Bautista at Larry “Bon Jovi” Canillas ay masasalang din bilang supporting bouts sa title fight.
Masasalang sa unang laban sa taon, si Bautista ay makakalaban si Saichon Sotornpitak sa featherweight habang si Canillas ay masusukat laban kay Fred Sayni ng Tanzania.
Minsan naging world title challenger, nakasalalay ang kinabukasan ni Bautista sa boxing sa labang ito.
Matapos matulog kay Daniel Ponce De Leon sa unang round si Bautista ay binagabag din ng mga injury sa kamay dahilan upang mabakante ito sa mga nagdaang buwan.