SUBIC , Philippines --Ininda ni Tots Oledan ng American Vinyl ang maagang pagremate upang maungusan pa sa meta ni James Ball ng DCM Team sa pinaglabanang Quezon City hanggang Boardwalk Subic Stage 3 ng 2010 Le Tour de Filipinas kahapon dito.
Kabilang sa main peloton na nilamon ang pitong-kataong lead pack pagpasok sa huling 10 kilometro ng karera, si Oledan ay nagkamali sa kanyang diskarte upang maubos na at hindi matapatan ang malakas na pagdating ng 32 anyos na si Ball.
“May kaunting pagkakamali ako dahil napa-aga ang bitaw ko kaya kinapos na talaga ako. Pero hindi ko na rin inisip na matalo ako dahil mas mahalaga sa akin na makuha ko ang top three para maprotektahan ng team namin ang kalamangan sa team classification,” wika ng 21-anyos tubong Carilara, Leyte, na si Oledan, na nagbitbit ng P42,000 gantimpala.
Halagang P84,350 naman ang napasakamay ni Ball na ikalawang DCM rider din na nanalo sa apat na yugtong karera na inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-I) at inihandog ng Tanduay katuwang ang Air21 at Smart.
“I think winning the individual title is remote but we are trying to win the other stages and hopefully land number two,” wika ni Oledan na pinangunahan ang 13 siklista na tumapos sa tiyempong 3 oras, 14 minuto at 11 segundo.
Kasama ngang tumawid sa unang pangkat ang yellow jersey holder na si David McCann ng Giant Asia Riding Team para mapanatili ang kalamangan sa individual category.
May kabuuang 8:05:12 tiyempo na ang 37-anyos na si McCann, ang first stage winner, pero napalawig pa nito ang abante sa dalawang Filipino riders na sina Lloyd Lucien Reynante ng Team 7-Eleven at Baler Ravina ng Team Pilipinas-Batang Tagaytay nang mapag-iwanan na ng 2:39 at 2:41.
Ang iba pang siklistang nasa Top 10 sa overall ay sina Irish Valenzuela (4:27) at Cris Joven (5:22) ng American Vinyl, 2009 champion Joel Calderon (5:24) at Oscar Rendole (5:41) ng Smart, Jaques Janse Van Rensburg (6:38) ng DCM, Sascha Damrow (7:03) ng CCN-Sportswear Colossi at Arnel Quirimit ng Air21 (7:07).
Ang karera ay matatapos ngayon sa isang Tagaytay to Tagaytay race na katatampukan ng dalawang ahunan na siyang magdedetermina ng kampeon ng Tour.
“Malayo pa iyan dahil ang last stage ay mahirap at puwede pang makasilat sina Reynante at Ravina,” wika naman ni Race Director at dating Tour champion Paquito Rivas.
Ang American Vinyl ay patuloy din ang pangunguna sa team classification sa naipundar ng 24:43:03 para sa 2:30 bentahe sa Smart at 8:16 agwat sa 7-Eleven.