MANILA, Philippines - Kumana ng 23 kills si Thai import Porntip Santrong upang muling pangunahan ang Lyceums sa kinuhang 25-16, 25-21, 24-26, 25-18 tagumpay sa St. Benilde sa pagbabalik aksyon ng 7th Shakey’s V-League kahapon sa The Arena sa San Juan.
Gumawa ng kabuuang 25 puntos si Santrong at hindi siya napigil ng depensa ng Lady Blazers para bigyan ang Lady Pirates ng 2-0 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision at iprinisinta ng PLDT MyDSL at suportado ng Shakey’s Pizza.
Unang nanalo ang koponan sa Adamson sa apat na sets at si Santrong ay nagpasabog ng 26 hits.
Ito ang pinakamagandang panimula ng Lyceum sa ligang suportado rin ng Mikasa, Accel at Mighty Bond pero higit dito ay naselyuhan na ng Lady Pirates ang unang puwesto sa quarterfinals sa Group B.
Ang UST na mayroon ding 2-0 karta sa Group A ay nakapasok na rin sa susunod na round.
May 19 hits kasama ang 16 kills si Joy Cases habang 14 at 10 hits naman ang ginawa nina Dahlia Cruz at Nica Guliman para sa Lyceum.
“Masaya ako pero hindi pa kontento sa laro nila. Mababa pa ang level ng game lalo sa attacks at blockings. Kailangan itong mag-improve going into the next stages of competition,” wika ni coach Emil Lontoc.
Magkakaroon ng pagkakataon ang Lyceum na mapatindi pa ang paglalaro dahil sa gagawing pagsasanay dahil sa isang linggong break sa kanilang iskedul.
Ikatlong sunod na kabiguan naman ito ng Lady Blazers para maging kauna-unahang koponan sa liga na namaalam.
Sina Rosanna Fajardo at Giza Yumang ay may tig-14 hits habang si Cindy Optana ay nagdagdag ng 10 para sa natalong koponan.
Samantala, hindi na rin pinakawalan pa ng Adamson ang pagkakataong upuan ang isang puwesto sa quarters matapos na ipagkait sa University of San Jose-Recoletos ang kanilang asam na magandang debut game sa bisa ng 25-11, 25-17, 25-8 panalo sa ikalawang laro.
Nagpakawala si Pau Soriano ng 18 hits at nagdagdag naman si Angela Benting ng 14 puntos para sa Lady Falcons na inilista ang kanilang ikalawang panalo matapos ang tatlong laro sa Group B.