MANILA, Philippines - Bagamat napakawalan ang isang 24-point lead sa second at third quarter at naipuwersa sa overtime period, naitakas pa rin ng mga Realtors ang isang mahalagang panalo kontra Express.
Humakot si import Anthony Johnson ng game-high 43 puntos, tampok rito ang perpektong 11-for-11 shooting sa freethrow line, upang igiya ang Sta. Lucia sa 106-98 overtime win laban sa Air21 sa elimination round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagdagdag naman si Ryan Reyes ng 15 marka, 9 assists at 8 rebounds para sa pagbangon ng Realtors mula sa isang three-game losing slump.
May 2-4 rekord ngayon ang Sta. Lucia sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (4-1), Coca-Cola (4-2), Talk ‘N Text (4-2), Barangay Ginebra (3-1), Rain or Shine Elasto (3-2), Derby Ace (2-2) at Alaska Aces (2-2) kasunod ang Air21 (1-5) at Barako Coffee (1-5).
Mula sa 36-18 bentahe sa first period, pinalobo ng Realtors sa 24 ang kanilang kalamangan, 62-38, sa 10:36 ng third quarter bago ang 20-0 atake ng Express mula kina import Jason Forte, Mike Cortez at Beau Belga para sa kanilang 58-62 agwat sa nasabing yugto.
Isang 11-5 bomba naman ang inihulog ng Sta. Lucia para tapusin ang naturang bahagi bitbit ang 73-63 bentahe.
Muli namang pinangunahan nina Forte, Cortez, Belga ang 21-4 arangkada ng Air21 upang tuluyan nang agawin ang unahan sa 84-77 sa 5:24 ng final canto hanggang ibigay ni Reyes sa Robles franchise ang 91-88 lamang sa huling 7.1 segundo.
Naitulak ni Cortez ang Express sa overtime, 91-91, ang laro nang isalpak ang isang jumper sa pagtunog ng buzzer kasunod ang pagbibida ni Johnson para sa 100-95 paglayo ng Realtors sa 2:12 nito.
Sta. Lucia 106 - Johnson 43, Williams 17, Reyes 15, Urbiztondo 9, Daa 7, Mendoza 5, Custodio 4, Espinas 4, Omolon 2, Misolas 0, Belano 0.
Air 21 98 - Forte 26, Cortez 17, Gonzales 15, Ritualo 9, Matias 7, Belga 7, Buenafe 5, Alvarez 4, Billones 3, Sharma 2, Yee 2, Williams 1, Rodriguez 0.
Quarterscores: 36-18, 58-36, 73-63, 91-91, 106-98 (OT).