MANILA, Philippines - Ipinakita agad nina dating double world champion Ronnie Alcano, Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ang kani-kanilang tikas matapos dominahin ang kanilang kalaban at mainit na simulan ang kampanya ng bansa sa Etisalat World 8-Ball Pool Championship sa Fujairah Tennis Club sa Fujairah, UAE nitong Lunes.
Ginapi ni Alcano si Radoslaw Babica ng Poland, 8-1, at isaayos ang kanilang second round duel ng local bet na si Mohammed Hosani sa Group I, matapos manalo kay John Mora ng Canada, 8-7.
Sa kabilang banda, pinayukod ni Orcollo ang kababayang si Oliver Medanilla, 8-2 na natakda ng kanilang pagkikita ni Corteza sa Group 4.
Nasilat ni Corteza si Majid Sultan, 8-5.
Pawang nagsipagwagi naman sina Raymund Faraon, Joven Alba, Antonio Gabica at Ruben Bautista sa kanilang mga kalaban.
Hiniya ni Faraon si Lee Chenman ng Hong Kong, 8-4, sa Group 1; binokya ni Alba si Ali Nasih, 8-0, sa Group 2; sinargo ni Gabica si Mateusz Sniegocki ng Poland, 8-4, sa Group 8 at nanaig si Bautista kay Magid Al Azmi, 8-5, sa Group 8.