MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Partylist Congresswoman Carissa Coscolluela na makukuha niya ang suporta ng international equestrian federation (FEI) bilang lehitimong bagong pangulo ng Equestrian Association of the Philippines (EAP).
Ang binitiwang paha-yag ni FEI vice president Christopher Hudson nang bumisita ito noong nakaraang taon bukod pa sa mismong batas na nakasaad sa IF Constitution patungkol sa paggawad ng pagkilala sa isang national federation ang nagtuturo sa grupo ni Coscolluela bilang tunay na grupo sa EAP.
Nanalo sa eleksyon sa pampanguluhan ng EAP si Coscolluela nitong Marso 31 na ipinag-utos ng Makati Regional Trial Court.
Ang katagisan ni Coscolluela na si Peping Cojuangco Jr. na siya ring pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC), at hindi kumikilala sa resulta ng eleksyon dahil hindi umano ito makatuwiran dahil hindi ito boses ng nakararaming indibidual sa EAP.
Si PSC chairman Harry Angping ang siyang tumayong inducting officer at nakasama ni Coscolluela na pinanumpa sa kanilang posisyon sina ice president Jones Lanza, corporate secretary at treasurer Tata Montilla, secretary general Mitos Belofsky at director Toni Leviste.
Hindi naman nakadalo ang dalawang director na sina Michael Gonzales at Toti de Leon dahil sa may pinagkaabalahang mahalagang bagay.
Lumiham na si Coscolluela sa FEI para sa hinihinging basbas at naniniwala ito na hindi tatagal sa loob ng isang buwan ay maggagawad na ng desisyon ang kanilang IF.
Sumulat na rin siya sa POC para sa rekognisyon ngunit alam niyang malabo pa itong mangyari dahil nga sa ang pangulo nito ay si Cojuangco. (ATan)