Sariling marka tinibag ni Tac, pasok sa RP team sa Asiad

MANILA, Philippines - Tumudla si Laos South­east Asian Games gold medalist Nathaniel ‘Tac’ Padilla ng 581 puntos sa rapid fire pistol event nitong Linggo upang ba­sagin ang kanyang sariling national mark at kunin ang isang puwesto sa Philippine shooting team na lalahok sa Asian Games sa Guanzho, China.

“I just happened to be in great form today. I hope I manage to remain sharp and healthy until the Asiad in November,” wika ng 45 anyos na si Padilla matapos talunin sina Robert Donalvo (553) at Ronald Hijastro (538) sa buwanang qualifying competition sa PSC-Marine range sa Fort Bonifacio.

Bukod sa pagbura sa kanyang 577 dating marka at nahigitan ang 579 criteria, may isa pang dahilan si Padilla para magsaya--dahil ang kanyang puntos ay mas magandang di hamak sa nairehistro ng Ukrainian at German shooters na tumapos ng 1-2-3 sa Beijing Olympic Games na idinaos noong nakaraang buwan.

Bumaril ang gold winner na si Oleksandr Petriv ng Ukraine ng 580 pins, habang pumutok naman ang German na si Ralf Schumann at Christian Reit, tumapos ng 2nd at 3rd, ng tig-579 puntos.

Show comments