MANILA, Philippines - Umagaw ng eksena sina Asi Taulava at Chico Lanete sa kanilang unang dalawang laro.
Ngunit si Gary David naman ang nanatiling sandigan ng Coca-Cola upang angkinin ang pansamantalang liderato sa elimination round noong 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Dahilan rito, napili ang produkto ng Lyceum of the Philippines na si David bilang Accel PBA Press Corps’ Player of the Week.
Nagtala ang 6-foot-1 na si David ng mga averages na 18.0 points, 5.0 rebounds, 2.0 assists at 2.0 steals para tulungan ang Tigers sa pagsakmal sa 2-0 rekord katuwang si import James Penny.
“He is really living up to his moniker as ‘Mr. Pure Energy,’ sabi ni Coke head coach Bo Perasol kay David. “He gives us the necessary lift whenever we need it badly.”
Handa naman si David na ibigay ang lahat ng kanyang makakaya, nakuha ng Tigers mula sa Burger King Whoppers na ngayon ay Air21 Express.
“Ang gusto lang naman naming lahat na mga players maipakita ang worth namin. Kaya every game, kung ano maibibigay sa team,” wika ng off-guard na si David.
Hindi na rin bago si David kay Perasol matapos silang magkasama sa Air21.
“Matagal na rin naman kami ni Coach Bo kaya alam niya na ang kailangan ng team energizer at iyon ang ibinibigay ko, at kung ano pa ang mai-de-deliver para sa team,” paliwanag ni David.
Sa 108-98 panalo ng Coke sa nagdedepensang San Miguel noong Sabado sa Gingoog, Misamis Oriental, tumipa si David ng 19 puntos galing sa 5-of-13 fieldgoal shooting at may perpektong 7-of-7 sa freethrow line.
Bukod pa rito ang 6 rebounds, 4 assists at 2 steals sa loob ng 33 minut.
Nagtala naman ang miyembro ng 2006-07 Mythical Five ng 17 marka, 4 rebounds at 2 steals sa 97-74 paglampaso ng Tigers sa Barako Coffee Masters sa kanilang unang laro.