Coffee Masters nanlamig sa Express

MANILA, Philippines - Hindi siya kasinlaki ni 6-foot-8 Sonny Thoss at kasinlakas ni Asi Taulava.

Ngunit nagagawa naman niya ang kanyang trabaho bilang small forward ni Yeng Guiao.

Humugot si 6’3 Ronnie Matias ng 13 sa kanyang 18 puntos sa fourth quarter upang tulungan ang Air21 sa 113-108 paggupo sa Barako Energy Coffee sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Pinangunahan naman ni import Keena Young ang Express mula sa kanyang team-high 25 marka, habang nagdagdag ng 15 si Mike Cortez at tig-13 sina Ronjay Buenafe at Ren-Ren Ritualo, Jr.

“Sabi lang ni coach (Guiao) dumepensa kami ng maganda at huwag kaming magpapadala sa mga pick and roll ng Barako,” ani Matias, kumolekta rin ng 3 rebounds para sa Air21, may 1-1 rekord ngayon sa ilalim ng Coca-Cola (2-0), Sta. Lucia (1-1), Ginebra (1-1), Talk ‘N Text (1-1), nagdedepensang San Miguel (1-1), Barako Coffee (1-2), Derby Ace (0-0), Alaska (0-0) at Rain or Shine (0-1).

Matapos kunin ang halftime, 55-52, kinuha ng Express ang 69-62 lamang sa 7:15 ng third period mula sa isang reverse layup ni Cortez patungo sa kanilang 80-69 paglayo sa 3:34 nito.

Isang 13-4 atake ang ginawa ng Coffee Masters sa likod nina import Sam­my Monroe, Jerwin Gaco­Leo Najorda at Yousif Aljamal para makadikit sa 82-84 sa 11:01 ng fourth quarter.

Muling kumawala ang Air21 galing kina Matias, Cortez, Ritualo at Egay Billones para sa kanilang 99-89 abante sa 5:51 nito kasunod ang maikling 9-0 bomba ng Barako Coffee upang muling makalapit sa 98-99 agwat sa 4:28 nito.

Tatlong freethrows nina Matias, Young at Cortez ang naglagay sa Express sa 110-103 bentahe sa 1:02 ng laban na nag-iwan sa Coffee Masters.

Air 21 113 - Young 25, Matias 18, Cortez 15, Buenafe 13, Ritualo 13, Billones 9, Sharma 6, Kramer 4, Gonzales 3, Williams 2, Belga 2, Alvarez 2, Yee 1.

Barako Coffee 108 - Monroe 36, Wainwright 16, Aljamal 13, Dimaunahan 12, Duncil 10, Gaco 9, Najorda 8, Menor 2, Hubalde 2.

Quarterscores: 30-28, 55-52, 84-79, 113-108.

Show comments