MANILA, Philippines - Ibinandera ng 14-anyos na si Marian Jade Capadocia ang bandila ng bansa nang manatiling nakatayo sa idinadaos na 21st Mitsubishi Lancer International Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Si Capadocia na number one sa girls under 14 at under 16 ay hiniya ang British player na si Manisha Foster, 6-4, 6-1, upang makaabante sa second round sa girls singles.
Isinantabi ni Capadocia, second year high school student sa Arellano University Mabini Campus, ang naunang 3-2 kalamangan ng 387th ranked na 16-anyos na karibal nang ma-break ito sa seventh game upang trangkuhan ang paglayo sa 5-3.
Nakaisa si Foster sa ninth game pero tinapos ni Capadocia ang labanan sa 10th game sa kanyang serve.
Dala marahil ng kapaguran ay kusang bumigay si Foster para tuluyang mamaalam sa torneong itinalaga ng International Tennis Federation (ITF) na Grade One event.
Si Capadocia na lamang ang pinalad na manlalaro sa kababaihan na manalo matapos masibak ang pitong iba pang lumahok sa opening singles sa torneong inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta).
Natalo si Anna Clarice Patrimonio kay Alessia Camplone ng Italy, 6-2, 6-2; si Shanin Mae Olivarez ay yumuko kay Kyra Shroff ng India, 6-1, 6-2 at si Tamitha Nguyen ay natalo kay Stefanie Tan ng Singapore, 6-4, 7-5. (AT)