Smart Gilas nalo uli sa Australia

MANILA, Philippines - Sa ikaapat na laro laban sa mga mabibigat na Australian team ay patuloy ang ginaga­wang maningning na paglalaro ng Smart Gilas Pilipinas.

Hindi umubra ang laki ng im­port-laded Canberra Gunners sa nasa kondisyong pambansang koponan nang iuwi ng bi­sitang koponan ang 101-84 ta­gumpay na ginanap nitong Hu­webes sa Belconnen Basketball Stadium.

Si 6’4 Dylan Ababou ang nag­pasiklab sa opensa ng tropa ni Serbian coach Rajko Toroman sa ibinigay na 20 puntos ka­sama ang limang tres habang si Mac Baracael ay nag-ambag ng 15.

 Ang team skipper na si Chris Tiu ay mayroong 14 habang sina Mark Barroca at Japeth Aguilar ay naghati sa 20 puntos upang katampukan ang balanseng open­sa ng koponan.

Ang mga higanteng sina 7-footer Greg Slaughter at 6’7 Jason Ballesteros ay nagsanib naman sa 18 puntos, 16 rebounds at 3 blocks.

“Maliban sa panalong nakukuha ng koponan, ang mga natutunan nila na makipaglaro sa mas malalaking katunggali ang mas mahalagang leksyon para sa koponan,” wika ni team manager Frankie Lim.

Lumalabas na may tatlong panalo at isang tabla ang karta ng Gilas team sa apat na laro sa anim na exhibition game bilang bahagi ng kanilang Australian Tour.

Unang tinalo ng koponan ang Under 19 team ng Australia, 78-67, bago isinunod ang Australian Institute of Sports, 79-73. Ang ikalawang laro laban sa AIS ay nagresulta naman sa 73-all iskor.

Kalaban ng Gilas ang NS­WIS kagabi at tatapusin ang asignatura sa Sabado laban sa Sydney City.

Namuno naman para sa Gunners na isa sa mga bigating koponan sa Southeast Australia league si Glenn Baird, na naglaro sa US NCAA sa naitalang 14 puntos habang may 13 naman ang tubong Macedonian na si Zlatko Todorovski.

Smart Gilas 101 - Ababou 20, Baracael 15, Tiu 14, Barroca 10, Aguilar 10, Slaughter 9, Bal­les­teros 9, Lassiter 8, Jazul 6.

Canberra Gunners 84 - Baird 14, Miller 13, Todorovski 13, Brown 12, Mesman 11, Jackson 7, Aaron Coddington 6, Heaton 4, Lacey 2, Malcom 2.

Quarterscores: 29-14, 49-34, 69-63, 101-84

Show comments