Puwestuhan sa finals isasaayos ng Cobra, Pharex

MANILA, Philippines - Isang panalo lamang ang ka­ilangan ng No. 1 Pharex B Complex at No. 2 Cobra Energy Drink para ayusin ang kanilang best-of-three championship series.

Ngunit inaasahang hindi ka­agad ibibigay ng No. 4 Cossack Blue at No. 3 Excelroof ang naturang pagkakataon.

Sasagupain ng Fighting Ma­roons ang Spirits ngayong ala-1:45 ng hapon, habang haharapin naman ng Ironmen ang 25ers sa alas-3:45 sa Final Four ng 2010 PBL PG Flex-Erase Pla­centa Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Parehong bitbit ng Pharex at Cobra ang ‘twice-to-beat’ advantage laban sa Cossack at Excelroof, ayon sa pagkakasunod.

Kasalukuyang sumasakay ang Fighting Maroons ni coach Aboy Castro sa isang five-game winning streak sa pagharap sa Spirits ni Rene Baena na nasa isang three-game losing skid na­man matapos magtayo ng 4-0 rekord.

Sa ikalawang laro, itatapat naman ni Lawrence Chongson sina Ironmen Paul Lee, Patrick Ca­bahug, Parri Llagas at Jai Reyes katapat sina 2009 NCAA Finals MVP Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Pamboy Raymundo at Gilbert Bulawan ng 25ers ni Ato Agustin.

“This is Excelroof’s advantage since their core players came from San Sebastian,” ani Chongson. 

Tinalo na ng Cobra ang Ex­­celroof, 66-65, sa kanilang unang pagtatagpo noong Marso 4 na tinampukan ng winning jumper ni Cabahug.

Nanggaling ang Ironmen sa 88-82 paggupo sa Fern-C Ferntastics noong Huwebes, sa­mantalang nakalasap naman ang 25ers ng isang 68-74 kabiguan sa Fighting Maroons noong nakaraang Martes.

Show comments