INDIAN WELLS--Umentra si reigning champion Rafael Nadal sa third round ng BNP Paribas Open sa pagposte ng 6-4, 6-4 panalo laban kay Rainer Schuettler ng Germany nitong Sabado.
Ang panalo ay nagsaayos ng pakikipagharap ng third-seeded na si Nadal kay Mario Ancic, na nangapa muna bago niya naipagpag ang kalabang si Julien Benneteau ng France, 4-6, 7-6 (5), 6-3.
Umusad din ang Russian na si Nikolay Davydenko, seeded fifth sa bisa ng 6-4, 6-4 pananaig laban kay Ernests Gulbis ng Latvia at susunod niyang makakasagupa sa third round si Uruguayan Pablo Cuevas na nagretiro matapos na matalo sa opening game.
Hindi rin nagpahuli ang 10th seeded na si Fernando Verdasco ng Spain na ginapi naman si Ramon Delgado ng Paraguay, 6-4, 6-1 at susunod niyang makakalaban si Czech No. 19 Tomas Berdych.
Samantala, niyanig ng malaking upset ang torneo matapos na mapatalsik ang No. 1-seeded na si Svetlana Kuznetsova.
Hindi nakaporma ang Russian sa kalabang si Carla Suarez Navarro sa final set at itakas ang 6-4, 4-6, 6-1.
“The tennis ball is perfect. I am not perfect,” wika ni Kuznetsova.
Si Kuznetsova na hindi naglaro ng halos isang buwan at nakakuha ng first-round bye ay gumawa ng 69 unforced errors at na-double-faulted ng pitong beses.
“It’s frustrating because I know I have the game,” wika pa ni Kuznetsova. “I feel great. I do practice, play unbelievable and then I get to the match and I don’t do much.”
Nagtala lamang si Suarez Navarro, na gumawa ng malaking pangalan sa tennis matapos niyang igupo si Venus Williams sa 2009 Australian Open, ng 14 winners laban kay Kuznetsova na mayroong 34, pero hindi nito nagawang mahabol ang mga bola patungo sa court.
Susunod na makakasagupa ng Spaniard ang No. 27 Hungarian na si Agnes Szavay.
Sa iba pang laro, ginapi ng third-seeded na si Victoria Azarenka ng Belarus si Sybille Bammer ng Austria, 6-1, 7-5 at isaayos ang kanilang paghaharap ni No. 28 Maria Martinez Sanchez.
Nanalo rin si Sam Stousor, seeded eight kay Julie Coin ng France, 6-1, 7-6 (4).