MANILA, Philippines - Maski hindi sila napanood sa telebisyon ay ipinakita pa rin nina Filipino featherweight Michael Farenas at bantamweight Eden Sonsona ang kanilang husay.
Nauwi sa ‘no contest’ ang eight-round bout nina Farenas at Joe Morales matapos magbanggaan ang kanilang mga ulo sa 2:25 ng second round.
Kontrolado pa ng 25-anyos na si Farenas, ang kasalukuyang World Professional Boxing Federation (WPBF) featherweight titlist matapos talunin si Sathian Sokham via first-round KO noong Enero 8 sa Mandaluyong City Gymnasium, ang laban bago magbungguan ang kanilang mga ulo ng 35-anyos na si Morales.
Malaking sugat sa kanang mata ni Morales ang naging resulta ng naturang banggaan ng ulo nila ni Farenas.
May 27-2-3 win-loss-draw ring record ngayon si Farenas kasama ang 23 KOs, habang dala ni Morales, nakaharap na sina dating world champions Joan Guzman, Joel Casamayor, Rocky Juarez at Carlos Contreras, ang 20-13-0, 4 KOs.
Mas naging impresibo naman ang 21-anyos na si Sonsona, nakatatandang kapatid ni dating world super flyweighg champion ‘Marvelous’ Marvin Sonsona.
Ito ay matapos niyang pabagsakin ang 37-anyos na si Mauricio Pastrana sa eight round ng kanilang eight-round fight.
Nauna nang pinaluhod ni Sonsona si Pastrana bago ito tuluyan nang tapusin sa huling 1:33 ng kanilang laban at ilista ang kanyang pang anim na sunod na panalo.
Bago pa ito, pinabagsak ni Sonsona, may 19-5-0, 6 KOs baraha ngayon, si Pastrana (35-12-2, 24 KOs) na dating bantamweight champion sa third round mula sa isang kombinasyon.
Ang pagtunog ng bell ang siyang sumagip kay Pastrana, dating nagkampeon sa bantamweight division ng International Boxing Association (IBA) at nakasagupa na sina Mexican Rafael Marquez at Jhonny Gonzales, sa naturang yugto.
Si Sonsona ay nanggaling sa first-round KO kay Monico Laurente noong Disyembre 12 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Pastrana naman ang tumalo kay Filipino Diosdado “The Prince” Gabi via first-round TKO noong Agsoto 10, 2006 sa Las Vegas, Nevada. (RCadayona)