MANILA, Philippines - Hindi umubra ang laki ng pangangatawan ni Joshua Clottey sa bilis ni Manny Pacquiao tungo sa unanimous decision na panalo ng nagdedepensang WBO welterweight champion kahapon sa nag-uumapaw na Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Umabot sa 50,994 boxing fans ang sumaksi sa kauna-unahang boxing bout na ginawa sa $1.2 bilyong Stadium at ang inasahang maaksyong laban ay hindi nangyari dahil walang nagawa si Clottey kungdi ang itago ang kanyang ulo sa malarapidong mga suntok sa buong 12 rounds na ginawa ni Pacquiao.
Sa tindi nga ng bilis na ipinakita ni Pacquiao ay binugbog niya si Clottey mula sa ulo hanggang sa katawan tungo sa pagpapanatili ng kanyang hawak na titulo.
Si Duane Ford ay naggawad ng 120-108 iskor kay Pacquiao habang iisang 119-109 naman ang ibinigay nina Nelson Vasquez at Levin Martinez tungo sa unanimous decision na tagumpay.
Sa unang round pa lamang ay nagparamdam agad si Pacquiao nang kanyang atakihin ang katawan ni Clottey bukod pa sa pagpapakawala ng mga uppercuts upang basagin ang depensa ng katunggali.
Mula rito ay hindi na nagbago ng istilo si Clottey na tila itinanim sa isipan ang mga prediksyong binitiwan ni Amreican trainer Freddie Roach na matutulog ito sa huling mga rounds.
“I know he is a very strong fighter that’s why I was not overconfident even if I controled the first round. I know he was looking to land a good shot,” wika ni Pacquiao na iniangat ang karta sa 51 panalo sa 56 laban.
Ang dating cutman ni Pacquiao na ngayon ay trainer ni Clottey ay nakitaan din ng pagkainis sa istilong ipinakita ng alaga nang makailang ulit niyang sinabihan ito na sumugal at makipagpalitan ng suntok sa kauna-unahang boksingerong nanalo ng pitong titulo sa magkakaibang dibisyon.
“I’m sorry for what happened,” wika ni Clottey matapos ang laban. “He never hurt me in the fight but his speed was too much.”
Gumamit na nga ng panggugulang si Clottey nang sa mga unang rounds ay tinatapakan ang paa ni Pacquiao upang hindi ito makatakbo.
Sa eight round din ay tinawagan siya ng low blow pero ang mga diskarteng ito ay lalo pang nagpa-init kay Pacquiao.
Sa datos nga na lumabas sa Compubox ay kitang-kita ang pagdodomina ni Pacquiao nang makapagpakawala ito ng 1,239 suntok at nakatama ng 399 habang si Clottey ay bumitiw lamang ng 246 suntok at kumunekta ng 108 lamang.
Ang panalong ito kay Pacquiao ay naglilinya sa kanya para sa posibleng pagkikita laban kay Floyd Mayweather Jr.
Si Mayweather nga ay lalaban sa Mayo 1 kontra kay Sugar Shane Mosley at patok din itong manalo sa laban.
Sinabi ni Pacquiao na nais niyang mangyari ang labang ito na dapat ay siyang idinaos kahapon kungdi lamang nasira angusapin dala ng blood testing na kabahagi sa nais na drug testing ni Mayweather.
Pero hindi pa niya iniisip ito dahil ang mas pagkakaabalahan mula ngayon ay ang pangangampanya para sa National Election sa Mayo 10 kung saan siya ay tumatakbo bilang Kongresista ng Sarangani.
Nalasap man ang ikaapat na kabiguan sa 40 laban ay may ngiti pa rin sa labi ni Clottey dahil sa malaking halaga na makukuha niya sa pagpayag na labanan si Pacquiao.