MANILA, Philippines - Matapos ang Fighting Maroons, pag-aagawan naman ng Spirits at 25ers ang ikalawa at huling outright semifinals ticket.
Nakatakdang magtagpo ang Cossack Blue at ang Excelroof ngayong ala-1:15 ng hapon kasunod ang labanan ng Cobra Energy Drink at sibak nang Ani-FCA sa alas-3:15 elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup sa Emilio Aguinaldo College gym sa Taft Avenue, Manila.
Kasalukuyang magkasalo sa ikalawang puwesto ang Spirits at 25ers mula sa magkatulad nilang 4-1 kartada sa ilalim ng Pharex B Complex Fighting Maroons (5-1) kasunod ang Ironmen (3-2), Ascof Lagundi Cough Busters (3-3) at mga talsik nang Fern-C Ferntastics (1-5) at Cultivators (0-5).
Nanggaling ang Excelroof mula sa isang 87-83 overtime win sa Fern-C noong Martes, habang nakalasap naman ang Cossack ng 66-96 kabiguan sa Pharex noong nakaraang Sabado.
Sa naturang panalo sa Ferntastics, umiskor si Calvin Abueva ng 11 puntos na tinampukan ng kanyang mahalagang freethrows sa huling 17.1 segundo para sa 25ers.
“Siguro chance na namin ito to make it to the semifinal round since first conference pa lang namin ito sa PBL,” ani head coach Ato Agustin sa kanyang Excelroof.
Muling ipaparada ng 25ers sina Abueva, Jimbo Aquino, Ronald Pascual, Pamboy Raymundo at 6-foot-6 Ian Sangalang katapat sina James Martinez, Jorel Canizares, Earn Saguindel at Rob Labagala ng Spirits.
Sa ikalawang laro, pilit namang bubuhayin ng Cobra ang kanilang tsansa para sa isa sa apat na semifinals berth sa pakikipagharap sa Ani-FCA. (RC)