MANILA, Philippines - Umiskor lamang si Arvee Storey ng 22 puntos sa kanyang unang laro para sa Barangay Ginebra sa kanilang practice game ng Rain Or Shine kahapon.
Ayon kay head coach Jong Uichico, hindi pa siya basta-basta magdedesisyon kung agad na pauuwiin ang dating kakampi ng kontrobersyal na si Gilbert Arenas sa Washington Wizards.
“I will not make any assesment right now kasi first game pa lang naman niya ito for Ginebra,” wika ni Uichico sa panayam kahapon ni Snow Badua sa NBN Sports.
Tinalo ng Elasto Painters, muling ibinandera ang bigating si Jai Lewis, ang Gin Kings, 101-97.
Sa nakaraang PBA Fiesta Conference, natalo ang Ginebra sa nagkampeong San Miguel, muling ipaparada si Best Import Gabe Freeman, sa kanilang championship series.
Kumpiyansa si Uichico na makakatulong ang 6-foot-6 na si Storey sa kampanya ng Gin Kings sa darating na 2009-2010 PBA Fiesta Conference na magsisimula sa Marso 21.
“He’s an all-around player. He will help us in the different aspects of the game,” sambit ni Uichico kay Storey, hindi nakuha sa 2002 NBA Draft kaya naglaro sa Venezuela at South Korea.
Samantala, inamin ni Coca-Cola mentor Bo Perasol na walang nababanggit sa kanya si import James Penny na maglalaro sa ibang bansa matapos makipag-ensayo sa Tigers ng dalawang sunod na araw.
Ang iba pang may mga reinforcements na ay ang Talk ‘N Text (Eric Hicks), Air21 (Leroy Hickerson), Alaska (Diamon Simpson) at Sta. Lucia (Anthony Johnson).