MANILA, Philippines - DIto na nga ba magwawakas ang termino ni Chino Trinidad bilang Commissioner ng Philippine Basketball League (PBL)?
Inamin kahapon ni Trinidad, kasalukuyang sinusundan ang Team Pacquiao sa Hollywood, California, na maaaring tatapusin na lamang niya ang 2010 PBL PG Flex Cup bago tuluyan nang bitawan ang kanyang posisyon.
“It’s just a matter of time. We need to take on different challenges,” sambit ni Trinidad, iniluklok bilang Commissioner ng amateur league noong 2000.
Ayon kay Trinidad, sapat na ang ibinuhos niyang 10 taon sa PBL bilang kapalit ni Yeng Guiao.
“Ten years na rin ako and I feel I have given myself to the PBL enough,” sabi ni Trinidad. “Siguro formality na lang. This is the sign that my days as a PBL Commissioner has come to an end.” Ang pag-alis ng Harbour Centre ni Mikee Romero ang lubhang nagpahina sa liga kasunod ang Toyota Otis. (RC)