MANILA, Philippines - Isang koponan ang napigilan sa pag-angkin sa una sa dalawang outright semifinals berth, habang isang tropa naman ang tuluyan nang napatalsik sa kontensyon.
Pinigil ng Pharex B Complex ang pag-entra ng Cossack Blue sa semifinal round nang kunin ang 96-66 tagumpay, samantalang inilampaso naman ng AddMix ang Ani-FCA, 90-49, sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup kahapon sa The Arena sa San Juan.
Umiskor si Woody Co ng 18 puntos, kasama rito ang tatlong three-pointers, para idikit ang Fighting Maroons sa Spirits sa liderato kasunod ang Excelroof 25ers (3-1), Cobra Ironmen (3-1), Transformers (2-3), Fern-C Ferntastics (1-3), Ascof Lagundi Cough Busters (1-3) at sibak nang Cultivators (0-5).
Mula sa 31-11 abante sa first quarter, sinandigan ng Pharex sina Co, Vic Manuel, JR Tecson at Ford Arao para itumpok ang isang 21-point lead sa halftime.
Tuluyan nang isinuko ng Cossack ang laban nang mabaon sa isang 30-point deficit, 68-38, papunta sa final canto.
Nakahugot ang Spirits, dating nagbandera ng malinis na 4-0 kartada, ni Rene Baena ng 15 puntos kay Jorel Canizares, 14 kay Jay-R Taganas at 9 kay James Martinez.
Sa unang laro, kinuha naman ng AddMix ang 40-30 lamang sa halftime hanggang iwanan ang Ani-FCA sa third quarter, 62-37.
“It’s a good thing na nanalo kami. Confidence-builder ito dahil must win ang mga remaining games namin against Pharex B at Cossack Blue para makapuwesto kami sa semifinals,” wika ni coach Leo Austria sa kanyang Transformers.
Ang naturang 41-point loss ng Cultivators ni Toto Dojillo ay ang pinakamalaki nang losing margin makaraan ang 45-89 pagkatalo ng Red Bull sa Montana noong Mayo 17, 1999.
Makakasagupa ng AddMix ang Pharex sa Huwebes at ang Cossack sa Marso 18 na magdedetermina sa kanilang pagpasok sa semis. (RC)
Pharex 96 – Co 18, Manuel 13, Tecson 10, Arao 10, Adolfo 8, Reyes E. 8, Reyes M. 7, Braganza 6, Hipolito 4, Sison 4, Lopez 3, David 3, Astroga 2, Maniego 0.
Cossack 66, Canizares 15, Taganas 14, Martinez 9, Reyes 6, Simpson 5, Etrone 5, Afable 2, Zamar 2, Duran 2, Morillo 0, Noble 0, Flores 0.
Quarterscores: 31-11; 49-28; 73-48; 96-66.