SUBIC, Philippines - Inungusan ni Irish Valenzuela ng Liquigaz si Joel Calderon ng Smart para angkinin ang Stage 6 ng 2010 Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) Tour of Luzon.
Nagsumite si Valenzuela ng tiyempong tatlong oras, 30 minuto at 39.28 segundo para isubi ang kanyang unang lap victory sa nasabing 130-kilometer uphill course mula sa dating US naval base patunong Morong, Bataan at pabalik.
Limang segundo naman ang agwat ni Calderon kay Valenzuela.
Bukod kay Calderon, nakalaban rin sana ni Valenzuela para sa lap honors si Baler Ravina kundi lamang nabutasan ng gulong ang huli sa huling pitong kilometro.
Tumapos si Ravina sa ikatlo mula sa kanyang oras na 1:18.84 kasunod sina Ryan Anderson ng Kelly Benefits, Jay Tolentino ng Tagaytay Ronnel Hualda ng American Vinyl, Santi Barnachea ng Liquigaz, James Perry ng EMG at Renato Sembrano ng Geo-Estate Beacon.
Ang mga ito ay nagtala ng magkakatulad na 1:45.61.
Para sa overall individual standings, napanatili ni Kelly Benefits skipper Reid Mumford (12:35:47.35) ang kanyang yellow jersey para sa huling tatlong yugto ng Tour na suportado ng partylist group LPGMA, prime developer Geo-Estate Beacon, Burlington, American Vinyl, Schick, Energizer, Liquigaz at Smart.