MANILA, Philippines - Kumpara sa ilang nagsasabing magiging madali ang laban ni Manny Pacquiao kay Joshua Clottey, naniniwala naman si dating world lightweight champion David Diaz na mauuwi ito sa isang split decision.
Sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ sa DZSR Sports Radio mula sa Chicago, USA, sinabi ni Diaz na malapad at malakas si Clottey na siya nitong magiging bentahe kontra kay Pacquiao.
“It’s gonna be a tough fight just like what I’ve said before. But Manny Pacquiao has the power and the speed,” ani Diaz.
Tinalo ni Pacquiao si Diaz via ninth-round TKO noong Hunyo 28, 2008 upang agawin sa Mexican-American ang suot nitong World Boxing Council (WBC) lightweight belt.
“Honestly, I think it might be a close decision because Joshua Clottey is a very defense fighter and also has the power,” dagdag ng 33-anyos na si Diaz, nakatakdang labanan si Mexican Humberto Soto para sa nabakanteng WBC title sa undercard ng “The Event” nina Pacquiao at Clottey sa Cowboys Stadium sa Marso 14 (Manila time) sa Arlington, Texas.
Dala ni Diaz ang 35-2-1 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs kumpara sa 50-7-2 (32 KOs) slate ni Soto, dati nang ikinakasa kay Pacquiao.
Itataya naman ng 31-anyos na si Pacquiao (50-3-2, 38 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight belt laban sa 32-anyos na si Clottey 35-3-0 (20 KOs).
Kabilang sa mga sparmates ni Pacquiao ay sina welterweight Abdullai Amidu (18-0-0, 17 KOs), super featherweight David Rodela (14-2-2, 6 KOs), light welterweight Mike Dallas (11-0-1, 2 KOs) at welterweight Steve Forbes (34-7-0, 10 KOs).
Pinag-iingat rin ni Diaz si Pacquiao sa posibleng ‘dirty tactics’ na maaaring gamitin ni Clottey sa kanilang laban.
Sa kanyang laban kay Carlos Baldomir para sa WBC International welterweight belt noong Nobyembre 29, 1999, nadis-qualified si Clottey nang i-headbutt nito ang una sa round 11.
Ginamit na rin ni Clottey ang ‘dirty tactics’ kontra kina Zab Judah, Steve Martinez at Richard Gutierez.