MANILA, Philippines - Isang bagong reinforcement at isang balik-import ang ipaparada ng Talk ‘N Text at Coca-Cola para sa darating na 2010 PBA Fiesta Conference sa Marso 21.
Itatampok ng Tropang Texters ni Chot Reyes si dating University of Cincinnati standout Eric Hicks, samantalang ibabalik naman ng Tigers ni Bo Perasol si James Penny.
“Just confirmed last Thursday night,” wika ni Reyes kahapon sa kanilang pagkuha sa 6-foot-6 na si Hicks. “He’s arriving Monday. He’s strictly an inside player.”
Mula sa paglalaro sa UC Bearcats, kumampanya si Hicks para sa mga koponan ng Telindus BC Oostende sa Belgium, sa tropa ng Polpak Swiecie sa Poland at sa grupo ng CSK VVS Samara sa Russia.
Nakita rin sa NBA Summer League si Hicks, nagposte ng mga averages na 7.3 points at 4.3 rebounds sa huli niyang paglalaro sa Euro League, para sa Miami Heat at Boston Celtics.
Natalo ang Talk ‘N Text sa Barangay Ginebra, 2-3, sa kanilang best-of-five quarterfinals series para sa kasalukuyang 2009-2010 PBA Philippine Cup.
Nanggaling naman si Penny, dati na ring naglaro para sa Barako Bull, mula sa kampanya sa Mexican League.
“He’s actually third on our list, but he’s the first available player for the Dubai meet,” wika ni Perasol kay Penny. “I’m hoping that if he plays for us in Dubai, Penny will be the first and last import for us in the PBA.”
Iginiya ni Penny ang Red Bull (ngayon ay Barako Bull) ni dating mentor Yeng Guiao sa paghahari sa 2006 Fiesta Cup.
Nasa listahan naman ng Purefoods Tender Juicy ang 6’5 na si Reggie Larry, nakasabay ng mga Giants sa ensayo bago nagkaroon ng injury at pinalitan ni Brian Hamilton kasunod si Jahmar Thorpe at nagtapos kay Marquin Chandler.
Ang iba pang koponang magpaparada ng reinforcements ay ang Air21 na dating Burger King (Leroy Hickerson), nagdedepensang San Miguel (Gabe Freeman), Ginebra (Awvee Storey), Rain Or Shine (Jai Lewis) at Sta. Lucia (Anthony Johnson).
Sina Freeman, tinanghal na Best Import, Lewis at Anthony ay nakita na noong nakaraang taon. (RC)