MANILA, Philippines - Mula sa pagiging super flyweight, umakyat sa super bantamweight division si dating world champion ‘Marvelous’ Marvin Sonsona para sagupain si Wilfredo Vasquez, Jr. ng Puerto Rico.
Sa kanilang press conference kahapon, tiniyak ni Sonsona na hindi magiging problema ang kanyang pagsabak sa mas mabigat na weight category.
“Moving up from 115 to 122 pounds I feel much stronger and I am punching much harder,” ani Sonsona. “I have what it takes to defeat Vasquez. I feel that I am more experienced than he is.”
Pag-aagawan nina Sonsona at Vasquez ang bakanteng (WBO) super bantamweight title sa Pebrero 27 sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.
Nagtala si Sonsona ng isang unanimous decision win kay Jose “Carita” Lopez para agawin sa Puerto Rican ang hawak nitong WBO super flyweight title noong Setyembre 5 sa Ontario, Canada.
Bunga ng kanyang pagiging overweight, binawian ng WBO ng super flyweight belt si Sonsona bago ang kanya sanang title defense kay Mexican Alejandro Hernandez noong Nov. 20.
“At this weight I feel great; stronger and my punch is stronger, too,” ani Sonsona. “I think I have everything to beat Vasquez and I have much more experience than him. I’m going to win that title and show my skills in the ring.”
Dala ng 19-anyos na si Sonsona ang kanyang 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang tangan ng 22-anyos na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.
“We taken training seriously and I’m in the best condition that I can be,” sabi ni Vasquez. “We are focused on our opponent and when we get in the ring, Sonsona will see that wanting to fight me was wrong.”
Ang naturang WBO super bantamweight title ay binakante ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico. (Russell Cadayona)