MANILA, Philippines - Haharanahin ni Viva recording artist Triz Reyes ang mga pararangalan at panauhin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na itinatampok ng Coca-Cola sa Marso 1 sa Manila Hotel.
Ang dating Miss Teen Philippines-USA ay isa lamang sa mga mang-aawit na naging panauhin sa naturang annual event katulad nina Kyla, The Dawn, Mojofly, at iba pa.
Ang pag-awit ni Reyes ay inaasahang magbibigay ningning sa naturang two-hour rite kung saan pararangalan si boxing superstar Manny Pacquiao bilang Athlete of the Decade ng sportswriting fraternity.
Sina pool player Rubilen Amit, trackster Marestella Torres, at taekwondo jins Cecille Alarilla, Janice Lagman at Rani Ann Ortega ang tinanghal na Athlete of the Year.
Magiging guest of honor naman ng nasabing event na suportado ng Smart, Pacific Online System Corporation, Philippine Sports Commission, Harbour Centre, Accel at PCSO si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero.
Kabuuang 76 personalidad at asosasyon ang gagawaran ng parangal ng PSA, binubuo ng mga sportswriters at editors mula sa iba’t ibang national broadsheets at tabloids.
Pamumunuan ni boxing champion Annie Albania ang 19 pang tatanggap ng major awards, habang ibibigay naman ang special awards sa 38 gold medal winners ng 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Ang mga tatanggap naman ng Tony Siddayao Youth Award ay sina powerlifter Patricia Llena at youth golfer Carlos Philippe Winsett Palanca.