MANILA, Philippines - Hangad ng AddMix ang kanilang pangalawang sunod na panalo, habang layunin naman ng tatlo pang koponan ang makabangon mula sa kani-kanilang kabiguan.
Nakatakdang sagupain ng Transformers ang Ascof Lagundi Cough Busters ngayong alas-4 ng hapon, samantalang maghaharap naman ang Fern-C Ferntastics at Pharex B Complex sa alas-2 sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup sa The Arena sa San Juan.
Matapos matalo sa Cobra Energy Drink sa kanilang unang laro, 77-81, noong Pebrero 16, iginupo naman ng AddMix ang Fern-C, 81-70, noong Martes para sa kanilang 1-1 kartada.
Sa nasabing panalo, humugot si Lizstian Amparado ng siyam sa kanyang 19 produksyon sa final canto para sa Transformers.
“He is the most senior player of this team at 24 and I’m really counting on him to provide the experience,” ani head coach Leo Austria sa dating Dolphin ng Philippine Christian University. “The last time he struggled but this time he played well.”
Maliban kay Amparado, muling aasahan ng Transformers sina Jan Colina, Derick Canada, Lester Alvarez ng Adamson University at Gio Ciriacruz ng Arellano University.
Ipaparada naman ng Cough Busters ni Carlo Tan, may 0-2 rekord kagaya ng ANI-FCA Cultivators, sina JR Gerilla, Bam Bam Gamalinda at Von Lanete. .
“We have to play a slot smarter and tougher against Ascof Lagundi,” sabi ni Austria, gumiya sa Welcoat Paint Masters sa titulo ng Philippine Basketball League (PBL) noong 2002. (RCadayona)