MANILA, Philippines - Isang linggo bago ang kanyang title defense, sinabi ni Filipino world light flyweight champion Rodel “Batang Mandaue” Mayol na handang-handa na siya para kay Mexican challenger Omar Nino Romero.
Bago nagtungo sa Guadalajara, Mexico, apat na sparring rounds ang ginawa ni Mayol sa ilalim nina trainers Jesse Arevalo at Morai Quijano.
“Handang-handa na ako sa title defense ko,” ani Mayol. “Sisiguraduhin kong dala ko pauwi ang korona ko at hindi ako papayag na maagaw ito ni Nino Romero.”
Itataya ni Mayol ang kanyang suot na World Boxing Council (WBC) light flyweight crown laban kay Romero sa Pebrero 27 sa Coliseo Olimpico sa Guadalajara, Mexico.
Dadalhin ng 28-anyos na si Mayol ang kanyang 26-4-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs kumpara sa 28-3-1 (11 KOs) slate ng 33-anyos na si Romero.
“He is a local boy therefore he will be at ease fighting before his friends and family,” ani Quijano kay Romero. “But he needs more than that to win because when the bell rings, it will be just him against Mayol in the ring.”
Ang naturang WBC light flyweight belt ay inagaw ni Mayol sa dating kampeong si Edgar Sosa via second-round TKO noong Nobyembre 21 sa Palenque dela Feria sa Chiapas, Mexico.
Dati nang hinawakan ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ang nasabing titulo na inagaw ni Romero via 12th-round unanimous decision noong Agosto 20, 2006.
Sa isang post fight examination, napatunayan ng WBC na gumamit si Romero ng ‘banned substance’ na nagresulta sa pag-aagawan nina Viloria at Sosa sa nasabing light flyweight belt.
Tinalo ni Sosa si Mayol sa pamamagitan ng isang unanimous decision hanggang matalo kay Mayol sa kanyang pang 11th title defense noong Nobyembre.