St. Clare kampeon sa SBP Jr. National C'ships

CEBU CITY , Philippines  – Tuluyan nang kinuha ng St. Clare ang korona sa Under-17 ng unang SBP National Junior Championships mula sa isang 80-76 panalo kontra Iloilo Chinese Commercial High School (ICCHS) dito sa University of San Carlos gym.

Nagbida si Reynaldo de Me­sa Jr. para sa Saints sa likod ng kanyang 20 puntos, habang si Jean Paul Amante ang nagsalpak ng mahalagang freethrows.

Nauna rito ay lumayo sa 47-26 sa huling bahagi ng second period ang Saint pero nakabalikwas ang Dragons sa pagbibida nina Don Luis Mendoza at Clint Dolinquez.

Ang pinakawalang tres nga ni Mendoza ay naglapit sa Dragons sa 78-76 pero hindi nakapaglapat ng magandang depensa ang ICCHS at na-foul si Amante at nabigyan ng dalawang free throws para mabigyan ng mas kumportableng kalamangan ang NAASCU champion ni team owner Dr. Jay Adalem.Nagdagdag sina Argel de Leon at Knapoli Salas ng 14 at 13 marka para sa palagiang NAASCU champions na muntik nang maipamigay ang itinayong 21-point lead sa ICCHS.

Sa Under-19 gold medal match, tinalo naman ng Our Lady of Fatima University ang University of Visayas, 88-77, para sikwatin ang titulo.

Tumipa si Allan Jae Perea ng 22 marka para pangunahan ang Phoenix ni dating San Beda Red Lions’ guard Ralph Rivera kasunod ang 18 at 11 nina Schever Benavides at Bernabe Teodoro, ayon sa pagkakasunod.

Sa labanan para sa third place sa Under-17 category, igi­nupo ng Holy Child School of Davao ang University of San Jose Recolletos, 76-72.

Kinuha rin ng Ateneo de Zamboanga ang third-place trophy sa Under-19 division nang gitlain ang University of San Agustin, 69-63.

Si Mendoza ang siyang lumabas na pambato sa sco­ring sa 20 ppg; si HCS Davao Mario Emmanuel Bonleon ang top rebounder sa 15 rebounds at shot blocker sa 3 blocks a game; si Kenneth Macapulay ng St. Clare ang number one sa assist sa 2.5 a game at si Gaitan ng ICCHS bilang number one sa steals sa 3.25 kada laro.

Sa under 19 ay si Peter John de Ocampo ng Ateneo ang top scorer sa 20.75 points, si Vince Zafe ng USA Iloilo ang top rebounder sa 9 boards, at ang mga kakamping sina Jaka Garrido, Nilton Otida at Reynil Villorente ang namuno naman sa assists (4.75 apg), steals (2.75 spg) at blocks (1.5 bpg) ayon sa pagkakasunod.

Show comments