Kung mananalo kay Pacquiao, Clottey inaasinta sinuman kina Floyd Jr., Mosley

MANILA, Philippines - Kagaya ni Manny Pacquiao, tumitingin na rin si Joshua Clottey sa kanyang susunod na laban.

Sa panayam ng BoxingScene.com kahapon, sinabi ng pambato ng Ghana na handa niyang harapin ang sinumang mananalo kina Floyd Mayweather, Jr. at Sugar Shane Mosley.

Ito ay kung sakaling talunin niya ang ‘pound-for-pound’ king na si Pacquiao sa kanilang “The Event” sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa   Arlington, Texas.

“I would like to fight the Mosley-Mayweather winner,” ani Clottey. “I will fight anybody. If I will win this fight (against Pacquiao) I will be ready and willing to fight anybody.”

Itataya ng 31-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Clottey.

Ayon kay Clottey, alam na niya ang kanyang gagawin sa sandaling magharap na sila ni Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.

“I have all my plans and that is what I am training for right now. I need to practice them so I can execute them when I step in the ring,” ani Clottey.

Natalo si Clottey kay Miguel Angel Cotto via split decision noong Hunyo ng 2009 bago inagaw ni Pacquiao sa Puerto Rican ang naturang titulo mula sa isang 12th-round TKO noong Nobyembre. (Russell Cadayona)

Show comments