MANILA, Philippines - Bago man lamang tuluyan nang magretiro ay gusto ni Gerry “Fearless” Peñalosa na tanghaling world boxing champion.
Sasagupain ng Filipino world two-division champion na si Peñalosa si dating flyweight titlist Eric Morel ng Puerto Rico sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Pebrero 13 sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
“Talagang ang gusto ko champion pa rin ako pag nag-retire ako,” sabi ni Peñalosa, dating naghari sa World Boxing Council (WBC) super flyweight division at World Boxing Organization (WBO) bantamweight class.
Paglalabanan ng 37-anyos na si Peñalosa at ng 34-anyos na si Morel ang WBO interim bantamweight belt.
Kasalukuyang taglay ni Peñalosa ang 54-7-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, habang bitbit ni Morel, dating World Boxing Association WBA flyweight champion, ang 41-2-0 (21 KOs) card.
“I believe it’s worth the wait since I’ll be facing a former world champion and a great fighter like Gerry Peñalosa,” respeto naman ni Morel kay Penalosa.
Ang mananalo sa pagitan nina Peñalosa at Morel ang siyang makakalaban ng mananaig sa pagitan nina Mexican world three-time champion Fernando “Cochulito” Montiel (39-2-2, 29 KOs) at Filipino challenger Ciso “Kid Terrible” Morales (14-0-0, 8 KOs).
Si Montiel ang kasalukuyang may hawak sa WBO bantamweight belt.
Nasa boxing card rin ang pagdedepensa ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. (22-1, 14 KOs) ng kanyang WBA interim super flyweight crown laban kay Mexican challenger Gerson Guerrero (34-8, 26 KOs). (RCadayona)