Team RP kakasa sa world c'ship finals kontra Britain

HANNOVER --Tinalo ni Ronnie Alcano si Ruslan Chinahov, 7-1, sa kanilang 10-ball duel para sa 4-1 panalo ng RP Team sa Russia patungo sa final round ng World Team Pool Cup Championship dito sa Hannover, Germany.

Nagmula sa kanilang kabiguan ni Marlon Manalo sa 8-ball Scotch doubles, ibinaling ni Alcano ang kanyang galit kay Chinahov sa semifinal round para igiya ang koponan sa kanilang finals showdown ng Great Britain.

Sa likod nina reigning world 9-ball champion Darryl Peach at dating world 10-ball titlist Darren Appleton, iginupo ng Great Britain ang Greece, 4-2, sa isa pang semifinals match.

“Our loss in the Scotch doubles proved to be a wake-up call,” wika ni Alcano sa kanilang 3-6 kabiguan ni Manalo sa Scotch doubles event.

Matapos ang nasabing kabiguan nina Alcano at Manalo, nagtala naman ng 6-4 panalo sina Warren Kiamco at Dennis Orcullo sa isa pang Scotch doubles event. Kinuha ng koponan ang 3-1 abante nang manaig sina Lee Van Corteza at Antonio Lining, 8-4, kina Roman Pruchai at Egor Plishkin sa 9-ball event kasunod ang tagumpay ni Alcano kay Chinahov.

Bago makasagupa ang Great Britain sa finals, tinalo muna ng RP Team ang England II (4-0), Czech Republic (4-1), Norway (4-2), Poland (4-2) at Russia.

Pinayukod naman ng Great Britain ang Norway (5-1), Israel (4-0), Germany (4-0), China (4-3) at Greece (4-2).

Show comments