PUERTO PRINCESA CITY , Philippines --Ilang potensyal na amateur boxers ang mabibigyan lamang ng pagkakataon para maging miyembro ng national training pool.
Nagsara na kahapon ang 2010 SMART-ABAP National Open dito.
Kabilang sa mga umagaw ng eksena ay sina Victorio Saludar at Mark Anthony Barriga ng Davao del Norte, Engelbert Moralde ng Davao City, Albert Pagala ng Misamis Oriental at James Palicte ng Baguio City.
Ang lima ang ilalahok ng ABAP para sa 2010 Olympic qualifying tourney sa Baku, Azerbaijan sa Abril at sa 2010 Youth Olympic Games sa Singapore sa Agosto.
Pinatigil ni Saludar si Kevin James Gob ng Tayabas City sa 1:35 sa first round para angkinin ang youth boys’ bantamweight crown.
Tinalo naman ni Barriga si Albert Sumugat ng Palawan A, 21-5, para kunin ang junior boys’ pinweight class.
Ginulpi ni Moralde si Jeff Rodriguez ng Puerto Princesa C, 12-3, upang pagharian ang junior boys’ light flyweight title, samantalang binugbog nina Pagala at Palicte sina Mario Fernandez ng Ablayan, Bukidnon, 18-4, at Robert Tompong ng Palawan A, 15-9, ayon sa pagkakasunod, para ibulsa ang junior boys’ flyweight at bantamweight titles.
“These are the boxers that we’re looking at,” ani RP Team head coach Pat Gaspi, nakasama sina Roel Velasco, Boy Catolico at Romeo Brin.
Ang Davao del Norte ang sumilo sa overall title mula sa kanilang anim na gold, isang silver at limang bronze medals.
Limang boxers ang kailangan ng ABAP sa lalaki at 9 sa babae para makumpleto ang koponan.