WIJK AAN ZEE, Netherlands --Matapos ang draw kamakalawa, sumulong naman ng panalo si Filipino Grand master Wesley So.
Iginupo ng 16-anyos na si So si GM Tomi Nyback ng Finland sa 10th round upang makatabla sa ikalawa hanggang ikaapat na posisyon ng 72nd Corus chess tournament dito.
Ginamit ni So ang maganda niyang posisyon upang talunin si Nyback, isang lower-rated Finnish, sa pamamagitan ng 46 moves ng Slav a6 defense.
Kasalo ni So sa isang three-way tie para sa second hanggang fourth places sina GMs Ni Hua ng China at Erwin l’ Ami ng the Netherlands sa huling tatlong rounds ng category-16 tournament.
Kasalukuyan pa ring hawak ni GM Anish Giri ng the Netherlands ang liderato mula sa kanyang 7.0 points.
Magtatagpo sina So at Giri sa 11th round bukas (Manila time).
Nauwi sa draw ang laro ng 15-anyos na si Giri sa kanyang huling laban kay top seed GM Arkadij Naiditsch ng Germany upang patuloy na pangunahan ang torneo.
Nalasap ng St. Petersburg, Russian-born na si Giri ang kanyang natatanging kabiguan sa mga kamay ng nag-iisang babaeng kalahok--si IM Anna Muzychuk ng SLovenia sa ninth round nitong Martes.
Nakasubi rin ng draw si Ni kay GM Parimarjan Negi ng India kagaya ni l’Ami kay second seed GM Liviu-Dieter Nisipeanu ng Romania.