Sa ngayon marahil ay mas komportable ang Talk N Text at Purefoods Tender Juicy Giants sa sitwasyong kinalalagyan nila. Nakarating na kasi sila sa quarterfinals at silang dalawa na nga ang maghaharap sa isang best-of-five serye.
Kumbaga, matapos na talunin ng Giants ang Sta. Lucia Realty, 88-78 noong Biyernes ay siguradong pinaghandaan na nila simula noong Sabado ang serye laban sa Tropang Texters. At tiyak na ganoon na rin ang ginawa ng Talk N Text. Pinaghandaan na nila ang Giants. Kasado na sila, eh!
Kaya mas masuwerte sila kaysa sa Barangay Ginebra na pumangatlo sa pagtatapos ng double round eliminations.
Mangyari’y hanggang ngayon ay hindi pa alam ng Gin Kings kung sino ang kanilang makakaduwelo sa quarterfinal round na magsisimula sa Biyernes. Ang makakalaban kasi nila ay ang survivor ng wildcard phase na sa Miyerkules pa magtatapos.
By now, dalawa na lang ang posible nilang makatunggali dahil sa nagkalaglagan na kahapon sa unang dalawang knockout games. Pero kung ikaw si coach Joseph Uichico, natural na parang “generic’ ang paghahanda mo. Hindi mo pa alam kung sino ang makakaharap ng iyong koponan sa Biyernes, e. parang “either-or” ang sitwasyon.
So, ang tanong diyan ay “May bentahe ba ang third placer sa pagtatapos ng elims kumpara sa fourth at fifth placers?”
Pare-pareho lang naman ang haba ng pahinga ng tatlong automatic quarterfinalists hindi ba?
Well, may bentahe ang third placer kung pagpapahinga ang pag-uusapan. Pero hindi kung paghahanda ang pag-uusapan.kasi isang araw lang nilang mapapaghandaan ang kanilang makakalaban sa isang mahaba-haba rin namang serye.
Parehas lang sila ng “survivor’ng wildcard phase na magkakaroon ng isang araw upang mapaghandaan ang kalaban.
Ang sinasabing iba’y ang disadvantage ng survivor ng wildcard phase ay bugbog na ito sa dalawang kockout games bago pa makaharap ang third placer ng elims.
Bugbog?
Wala yatang kabuluhan ang salitang iyon sa PBA, e.
Ang makabuluhan ay ang salitang “batak!”
Kasi, sa paglalaro sa wildcard phase ay mas mababatak ang isang team.
Dalawang pressure packed games ang kanilang dadaanan. At kapag lumusot sila sa mga ito’y medyo makakahinga sila ng maluwag at tataas ang kanilang morale papasok sa quarterfinals.
Well, bagamat wala naman talagang malaking bentahe ang Gin Kings kontra sa makakatagpo nila sa quarterfinals, okay na rin iyon kina Uichico at mga bata niya.
Ang mahalaga ay naka-survive din ang Gin Kings sa pagkawala ng mga injured superstars at nakarating agad sa quarterfinals. At ngayon nga’y magbabalik na ang mga ito sa active duty.
Ang mahalaga’y kumpleto ang Gin Kings sa quarterfinals!