MANILA, Philippines - Wala pang kumpletong tulog sa loob ng tatlong araw si Gabe Freeman nang igiya ang Philippine Patriots sa 91-87 paggupo sa Thailand Tigers noong nakaraang Linggo sa Bangkok, Thailand.
Kaya ngayon, inaasahang mas magiging mabagsik ang dating import ng San Miguel para sa laban ng Patriots sa bisitang Brunei Barracudas sa ganap na alas-4 ng hapon sa ASEAN Basketball League (ABL) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa kanyang debut game para sa Patriots, tumipa ang 6-foot-6 na si Freeman ng 21 points at 14 boards para sa kanilang 10-4 kartada.
“I don’t have a good sleep for three days before we played the Tigers, but I’m now fully settled and ready to play my real game,” wika ni Freeman, nagbida sa paghahari ng Beermen sa nakaraang PBA Fiesta Conference.
Ang panalo ng Patriots sa Barracudas ang magbibigay sa kanila ng homecourt advantage sa best-of-three semifinals wars at sa best-of-five championship series.
Si Freeman ang pumalit kay Brandon Powell.
“Now that’s he has practiced for five days with the team, we expect him to deliver more,” wika ni team owner Mikee Romero.
Para manalo sa Barracudas ni Filipino mentor Bong Ramos, sinabi ni coach Louie Alas na dapat maging agresibo ang mga Filipino players.
“The locals should also contribute, they have to help Freeman and Dixon,” ani Alas kina Rob Wainwright, Val Acuna, Elmer Espiritu, Nonoy Baclao, JP Alcaraz at Jerwin Gaco.
Ipaparada naman ng Barracudas ang bagong reinforcement na si Australian Simon Conn na humalili kay Michael Pilgrim.
Katabla ng Brunei ang KL Dragons sa magkatulad nilang 6-8 baraha. (RCadayona)