WIJK AAN ZEE, Netherlands--Nakasulong na rin ng panalo si Filipino Grandmaster Wesley So makaraan ang limang magkakasunod na draw.
Tinalo ni So si 2005 European champion GM Liviu-Dieter Nisepeanu ng Romania sa sixth round ng 72nd Corus chess tournament dito sa De Moriaan Community Centre.
Dinaig ng 16-anyos na Filipino pawnpusher ang ginamit ni Nisipeanu na isang hyper-modern Reti opening mula sa kanyang solidong Slav formation para sa kanyang unang tagumpay sa naturang 13-round, category-16 tournament.
Ibinandera ni So ang isang rook, dalawang knights at limang pawns kumpara sa isang rook, dalawang bishops at tatlong pawns ni Nisipeanu.
Tuluyan nang isinuko ni Nisipeanu ang laban sa 35 moves.
“It’s a big win for Wesley--with black,” wika ni Filipino GM Buenaventura “Bong” Villamayor, isa sa iilang chess players na gumagawa ng analysis para sa Chessdom.com.
Dahil sa kanyang panalo, tumabla si So sa third hanggang sixth places kasama sina top seed GM Arkadij Naiditsch ng Germany, Pentala Harikrishna ng India at David Howell ng England mula sa magkakatulad nilang 3.5 points.
Nasa itaas nila ang nangungunang sina GM Anish Giri ng the Netherlands at isang puntos ang layo sa likod ni GM Ni Hua ng China at Erwin l’Ami ng Netherlands.