Dodie Boy tiwala na malalampasan ng anak ang kanyang narating sa boxing

MANILA, Philippines - Aminado man siyang ma­rami pang kulang ang kan­yang anak kung pagbo­boxing sa pros ang pag-uusapan, ngunit kumbinsido si Dodie Boy Peñalosa na may mararating ang kan­yang Junior sa pinasok na karera.

“Marami pa siyang dapat na matutunan pero sa ipinakita niya, nakikita ko na malalampasan pa ni­ya ang mga narating ko,” wika ni Peñalosa, isang two-time world champion nang gabayan ang kanyang anak na si Dodie Boy Jr. sa kanyang unang laban na kabahagi sa Collision Course kahapon sa Cuneta Astrodome.

Unang salang lamang ito ni Dodie Boy Jr. ngunit agad niyang ipinakita ang bangis ng mga kamao sa pamamagitan ng second round knockout panalo laban kay Anthony Balubar.

Sa first round pa lamang ay bumalagta na si Balubar at tuluyang nata­pos ang laban sa 2:21 sa ika­­lawang round.

“Nakaramdam kasi ako ng kaba nang mapagtatamaan siya. Nakuha niya sa akin ang mga body pun­ches pero kailangan pa niyang matutunan ang paggamit ng jabs at mga kombinasyon,” wika ng ama.

Sa panig ng batang Peñalosa ay sinabi niyang nakararamdam siya ng pres­sure dahil nga sa kato­tohanang ang ama at ang tiyuhin na si Gerry Boy Peñalosa ay mga world champions.

Bago umakyat ng pros ay isang mahusay na amateur boxer si Peñalosa at makailang ulit na nanalo sa National Open. (LMC)

Show comments