Smart Gilas rumesbak sa Lebanon

DUBAI--Kumuha ng lakas ang Smart Gilas Pilipinas sa pagbabalik ni Jamal Sampson at tikas ng mga guards na sina Chris Tiu at JV Casio upang pabagsakin ang Fa­di Khatib-led Champville ng Lebanon, 77-71 sa Dubai Invitational sa Al Ahli Club dito nitong Sabado.

At muli sa tulong ng malakas na sigawan ng mga overseas Filipino workers dito, natabunan ng Nationals ang inilistang 40 point explosion ng El Khatib at nakabangon mula sa naunang kabiguan sa mga kamay ng Al Jalaa ng Syria nitong Biyernes.

Nagbalik sa aksyon si Sampson makaraang maupo sa laban sa Syria sanhi ng sore knee, ay gumawa ng 13 re­bounds, 11 puntos at dalawang blocks upang ibigay sa Filipinos ang malaking morale boost laban sa Lebanese.

Inilabas ng 6’11 NBA veteran ang kanyang lakas sa paint na nagbigay naman ng sapat na lugar para sa Smart Gilas na manalasa ang kanilang mga gunners sa labas.

 Tumapos si Tiu ng team-high 17 points, kabilang ang isang tres na nagbaklas sa 63-all deadlock.

Matapos na kunin ang 66-63 pangunguna, hindi na nagawa pang lumingon ng Filipinos at selyuhan ang kanilang krusyal na panalo na nagbalik sa Nationals sa kontensyon para sa knockout games.

Awtomatikong makakapasok ang Nationals sa quarterfinals kung tatalunin nila ang Zain ng Jordan ngayon.

Show comments