POC pinaplantsa na ang paghahanda sa Asian Games

MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay pinaplantsa na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pag-oorga­nisa sa grupong mangangasiwa sa komposisyon ng Team Philippines para sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.

Sa programang “POC On Air” sa DZSR Sports Radio kahapon, sinabi ni POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na mas pinaaga ng Guang­zhou Asian Games organizers ang paglalatag ng ilang kailangan ng mga miyembro nito.

Unang ginawa ni Cojuangco ay ang pagluluklok kay POC spokesperson Joey Romasanta, ang secretary-general ng karatedo federation, bi­lang Chef De Mission ng Team Philippines sa Guangzhou Asiad sa Nobyembre.

“We have to do it this early because the requirement now of the Asian Games organizers is that we have to give the names of the athletes by June,” ani Cojuangco.

Sa nakaraang mga edisyon ng Asian Games, ang unang ipinasusumite ng mga organizers ay ang bilang ng mga atletang ilalahok ng isang ban­sa.

“Noong araw you have to submit the number of the athletes first. Ngayon gusto nila names na eh. So in other words, maaga pa kailangan nag­­hahanda na tayo. So bubuuin na natin ‘yung gru­po (Secretariat) na ‘yon para ma-handle na itong mga bagay na kinakailangan at mapili na ‘yung mga individuals na talagang bibigyan natin ng sapat na assistance to be able to compete pro­perly,” ani Cojuangco.

Kumpiyansa si Cojuangco na malaki ang maitutulong ni Romasanta bilang Chef De Mission ng delegasyon para sa Guangzhou.

“I think Mr. Joey Romasanta, not because he’s with me for a long time, I think he really deserves it, and I think he knows what he has to do,” ani Co­juangco kay Romasanta.

Si Romasanta ay ang kasalukuyang secretary-general ng Philippine Karatedo Federation (PKF) kung saan tumatayong pangulo si Philippine Ama­teur Track and Field Association (PATAFA) head Go Teng Kok na naunang pinalutang bilang Chef De Mission.

Si Romasanta ang naging executive director ng Project: Gintong Alay sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, na­kababatang kapatid ni Cojuangco. (RC)

Show comments