MANILA, Philippines - Pormal na tinanggap kahapon ng mga national athletes na nag-uwi ng kabuuang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals mula sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Vientiane, Laos ang kabuuan ng kanilang cash incentives.
Personal na iniabot ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, katulong sina Executive Secretary Eduardo Ermita at Philippine Sports Commission (PSC) ang tseke ng mga atleta sa simpleng seremonya sa Rizal Hall sa Malacanang.
Base sa Republic Act 9064 kung saan nakasaad ang "Cash Incentives Act", ang mag-uuwi ng gold medal mula sa SEA Games ay tatanggap ng cash reward na P100,000, habang ang silver at bronze medalists ay makakakuha ng P50,000 at P10,000.
Mula rito, nadagdagan ang naturang P100,000 ng P200,000 kung saan ang P100,000 ay galing sa naipong pondo ng PSC at ang huling P100,000 ay mula sa mga nilapitang negosyante ni Angping.
Nagdagdag rin si Angping, nagdiwang ng kanyang ika-48 kaarawan noong Martes kung saan siya binisita ni Presidential candidate Gilbert "Gibo" Teodoro sa Rizal Memorial Sports Complex, ng P200,000 na bonus para sa mga record-breakers sa 2009 Laos SEA Games.
Sa naturang mga national athletes, ang Fil-Am swimmer na si Miguel Molina ang nakatanggap ng pinakamalaking cash incentives sa pigurang P760,000.
Kabuuang dalawang ginto, tatlong pilak ang nilangoy ni Molina, tinanghal na "Best Athelete" sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand,
Sumunod kay Molina sa nakatanggap ng malaking cash rewards ay sina swimmers Ryan Arabejo (P660,000) at Daniel Coakley (P550,000), long jumper Marestella Torres (P550,000) at hammer thrower Arnel Ferreira (P550,000).
Sina Arabejo, Coakley, Torres at Ferreira ang nakakuha ng bonus na P200,000 bilang mga record-breakers.
"Malaking tulong ito para sa amin. Kasi 'yung ibang cash incentives para sa pamilya at 'yung iba gagamitin ko para sa training," sabi ni Torres.
Pinuri ni Pangulong Arroyo ang naturang mga atletang kumolekta ng medalya mula sa 2009 Laos SEA Games noong Disyembre.
Kumpiyansa ang Presidente na maganda rin ang magiging kampanya ng national delegation sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre 12-27. (Russell Cadayona)