Malaysia - Dalawa pang rounds sa ASEAN Basketball League bago pormal na magsimula ang playoff sa Enero 30.
Ang tatlong pangunahing koponan--Philippine Patriots, Indonesia Satria Muda BritAma at Singapore Slingers ay hindi gaanong nag-aalala dahil nakaselyo na sila sa kanilang puwesto sa playoffs na may isang puntos na naghihiwalay sa kanila.
Ang Philippine Patriots, na kasalukuyang nasa tuktok ng team standing at may dalawa pang nalalabing laban ay makakaharap ang Thailand Tigers sa Nimibutr National Stadium sa Enero 17 at Brunei Barracudas sa Ynares Sports Arena sa Manila sa Enero 24.
Mas malinis na marka ang Patriots sa sariling balwarte nang mapagwagian nila ang lahat ng pitong laro ngunit nahihirapan na mapanatili ang winning streak para sa ibang lugar nang dalawang panalo lamang ang naipanalo sa anim na laban sa ibang balwarte.
Pumapangalawa ang Satria Muda BritAma na may dalawa pa ring nalalabing laban--kontra sa Brueni Barracudas sa Brunei Indoor Stadium sa Bandar Seri Begawan sa Enero16 at KL Dragons sa BritAma Arena sa Enero 23. May malinis ding marka ang Satria Muda BritAma kontra sa Brunei at Kuala Lumpur sa mga nagdaan nilang laban.
Ang Singapore Slingers na ikatlo sa standing, ay may tatlong laban pa patungo sa playoffs. Makakaharap nila ang KL Dragons sa MABA Stadium Malaysia sa Enero 17 at may tatlong araw pa bago ang susunod nilang laban sa Brunei Barracudas sa Brunei Indoor Stadium, Bandar Seri Begawan. Bibiyahe ang koponan sa Bangkok upang harapin naman ang Thailand Tigers sa Nimibutr National Stadiumsa Enero 24. Kapwa napagwagain ng Slingers ang dalawang laban sa Brunei Barracudas, pero natalo naman ng tig-isa sa KL Dragons at Thailand Tigers.
Ang init ay nasa pagitan ng Brunei Barracudas at KL Dragons sa kanilang pakikipaglaban sa ikaapat na posisyon na huling qualifying position sa playoffs.
Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto, hindi naman consistent ang laro ng Dragons ngayong season at nasungkit ang apat sa 6 nilang panalo sa sariling balwarte at dalawa sa pitong laban sa labas. At dahil may dalawang laban na lang ang nalalabi, kailangang mapagwagian ito ng Dragons para manatili sa kontensiyon.
Kadikit lang ng Dragons ang Brunei Barracudas na may tatlo pang laban na nalalabi kung saan makakaharap nila ang Philippine Patriots Satria Muda BritAma at Singapore Slingers.
Isang panalo palang ang nakukuha ng Barracudas sa anim na lineups kontra sa tatlong pangunahing team.
Nasa ikaanim na puwesto ang Thaiand na may dalawa pang laban na nalalabi-kontra sa Philippine Patriots at Singapore Slingers sa sariling balwarte.