SYDNEY--Binuksan ng top-ranked na si Serena Williams ang kanyang kampanya sa season sa pamamagitan ng 6-1, 6-2 panalo laban kay Maria Jose Martinez Sanchez nitong Martes at makarating sa quarterfinal ng Sydney International kung saan ang iba pang mga bumabanderang manlalaro ay pawang nadiskaril.
Nasibak ang No. 3 na si Svetlana Kuznetsova, 7-5, 6-2 kay Dominika Cibulkova ng Slovakia nitong Martes at nakasamang nagbakasyon sina No. 7 Jelena Jankovic at No. 8 Vera Zvonareva sa unang dalawang rounds.
Naharap rin ang second-seeded na si Dinara Safina sa trouble sa first set mula ng mag-quit ito sanhi ng kanyang injury sa likod sa season-ending championships noong October, ng matalo sa opening five games bago nagawang makabangon at mapagwagian ang siyam na dikit na games tungo sa 7-5, 6-4 panalo laban kay Agnieszka Radwanska ng Poland.
Susunod na makakasagupa ni Safina ay ang Olympic gold medalist na si Elena Dementieva na nakaligtas kay Daniela Hantuchova ng Slovakia, 6-2, 4-6, 6-2.
Ginapi ng sixth-seeded na si Victoria Azarenka ng Belarus ang Japanese veteran na si Kimiko Date Krumm, 6-1, 5-7, 7-5.
Natalo naman si Elena Vesnina, na umusad sa first round matapos na magretiro si Zvonareva nitong Lunes, sa kalabang si Vera Dushevina, 6-3, 6-4 nitong Martes kung saan makakasagupa niya si Williams sa quarterfinals.
Sinabi ni Williams na hindi siya nag-aalala kung ilan ang seeded players na napatalsik na o kung papaano binuksan ang draw.
“I don’t care who I play. Whenever I play someone they played their best,” ani Williams.