Sa unang pagkakataon sa kasalukuyang KFC-PBA Philippine Cup ay nakalasap ang Alaska Milk ng back-to-back na kabiguan at dumating ito sa puntong patapos na ang double-round eliminations.
Noong Disyembre 20 ay hiniya ng dating nangungulelat na Coca-Cola Tigers ang Aces, 105-92. At matapos ang dalawampung araw na pahinga o paghahanda para sa kanilang susunod na game, muli na namang nabigo ang Alaska Milk sa Barangay Ginebra, 93-90 sa kanilang out-of-town duwelo sa Batangas City Sports Center noong Sabado.
Dahil dito ay bumagsak na ang Aces sa ikalawang puwesto sa record na 11-3.
Naunahan pa sila ng San Miguel Beer na makasungkit ng automatic semifinals berth gayung dalawang beses nilang tinalo ang Beermen sa torneong ito.
Aba’y marami ang nag-akalang ang Aces ang siyang unang team na makakadiretso kaagad sa semifinals dahil sa maganda ang kanilang naging ratsada.
Kasi nga’y halos intact ang line-up na ipinarada ni coach Tim Cone papasok sa season na ito at tanging ang first round pick na si Mike Burtscher ang idinagdag nila. Hindi din naman ito madalas na ginagamit so walang matinding adjustments sa bahagi ng Aces.
Bukod dito’y nanatiling malusog ang Aces at hindi sila binagabag ng injuries na kagaya ng mga iba’ng teams.
Hindi nga ba’t matagal na hindi nakapaglaro sa San Miguel Beer sina Danny Seigle at Anthony Washington bago nakabalik sa active duty. At hanggang ngayon nga’y nasa injured list pa rin ng Beermen ang two-time Most Valuable Player na si Danilo Ildefonso? Pero sa kabila nito’y hayun at nasa semifinals na ang tropa ni coach Bethune "Siot" Tanquingcen.
Ang Barangay Ginebra ay nasa ikatlong puwesto sa record na 11-6 kahit pa hindi nito napakikinabangan sina reigning MVP Jayjay Helterband, Mark Caguioa at Junthy Valenzuela na pawang nagpapagaling buhat sa injuries.
Bunga ng back-to-back na kabiguan, marami tuloy angnaaalarma sa maaaring mangyari sa Aces. Kasi nga, hindi pa sila pasok sa semis. At puwede ding malaglag sila sa "wildcard phase" kung matatalo sila sa huling apat na games nila kontra sa Sta. Lucia Realty, Purefoods, Tender Juicy Giants, Rain Or Shine at Burger King. Hindi basta-basta ang mga teams na dadaanan pa ng Aces. Puwedeng ngayon pa lamang nag-iinit ang mga ito.
Aba’y magiging isang "monumental collapse" kung mauunsiyami pa ang Aces.
Pero hindi pa naman kailangang pindutin ni Cone ang "panic button."
Kahit paano siguro’y inaasahan niyang darating ang pagkakataong ito. Sinamantala lang ng Aces ang kanilang pagi ging intact at healthy kung kaya’t nakapanalasa sila. Ngayong natalo sila ng back-to-back, kailangan nang gumawa ng adjustments ni Cone.
Nasa homestretch na ang eliminations at hindi naman nais ng Aces na masayang ang kanilang magandang simula.
Beteranong coach si Cone at alam niya ang kanyang dapat na gawin!