MANILA, Philippines - Bagamat baguhan, nakitaan na nang magilas na potensyal si Rico Maierhofer ng Purefoods kung kaya’t nanguna ito para sa Rookie of the Year award na sinundan ni Joshua Urbiztondo ng Sta. Lucia para sa KFC PBA Philippine Cup.
Tinuturing na top draft pick noong isang taon, matapos na magdesisyon si Japeth Aguilar na bumalik sa Smart Gilas, bumulusok ang karera ng dating La Salle Green Archer ng kumolekta ito 20.5 statistical points kada laro.
Dahil sa angking husay, hindi binigo ng 6’6” center forward na si Maierhofer ang Purefoods nang kumana ito ng 8.0 average points, 5.8 rebounds, 0.9 assists, 1.1 blocks at 0.1 steal.
Samantala, isang nakakasurpresang rebelasyon naman ang pinamalas ni Urbiztondo nang maglista ito ng 8.2 points, 2.6 assists, 2.5 rebounds at 0.9 steal upang pumangalawa para sa RoY race na may average na 17.9 SPs.
Pinatunayan ang tikas sa hard court makaraang maging undraft sa 2009 draft exercise, namuno rin ang 5’10” playmaker na si Urbiztondo sa assists at pumangalawa kay Ogie Menor para sa scoring.
Ngunit hindi rin nagpapahuli ang No. 3 draft selection ng Rain or Shine na si Jervy Cruz na lumalaban rin para sa RoY race na may 14.1 SPs.
Naabot ng 6-foot-4 forward ng dating University of Santo Tomas Tiger ang ikatlong pwesto nang magbigay ito ng 7.1 points at 4.6 rebounds kada laro.
Maging si Menor na sixth pick at Ronnie Matias ng Burger King ay humahabol rin para sa titulo nang maglilok ng 9.8 points, 3.3 rebounds at 1.2 assists si Menor at 6.6 points at 3.8 rebounds para kay Matias. (Sarie Nerine Francisco)