MANILA, Philippines - Patuloy ang dominasyon ng PBAP sa Girls’ event sa ginaganap na 17th National Youth Tenpin Bowling Championships sa Bowling Inn sa Taft Avenue nang makopo nila ang gintong medalya sa Team at All-Events .
Sa malakas nilang kampan-ya na masungkit ang overall title, binanderahan ng PBAP girls na pinamunuan nina singles Gold medalist Lara Posadas, Anne Marie Kiac, Anne Ramirez at Niqui Bernabe ang pagpapagulong ng 4,622 para sa tagumpay laban sa Prima Team 1 (4,481) at TBAM 1 (4,428).
Ang Prima 1 boys team naman nina Marvin Reyes, Enzo Hernandez, Jerht Santos at Renz Taylo, ay naipaghiganti ang kabiguan ng mga kakampi nang maungusan nila ang dalawang MTBA teams na may 4,913 para sa gold. Kinuha naman ng MTBA 2 ang silver na may 4,802, habang ang MTBA 1 ang naka-bronze sa kanilang 4,775.
Halos hindi naman pinagpawisan si Posadas sa pagsungkit ng Girls’ All-Events gold medal sa kanyang pinagulong na 3,918 kabuuan (217 average). Inuwi naman nina TBAM 1’s Alexis Sy (3,730) at Kim Lao (3,558) ang silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Sa boys’ division, sinandalan ni Louie Chuaquico ng MTBA ang high 246 final game upang maungunsan si Renz Taylosa kanyang ikalawang gold sa torneo.
Humataw si Chuaquico ng 3,934 (218 average) upang pabagsakin si Taylo (3,904) at Hernandez (3901) sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
At dahil ang finals na lang ng Masters events ang natitira, ang karera para sa overall championship ay mahigpit na pinaglalaban ng TBAM at PBAP.
Matatanggap ng magwa-wagi ang Paeng Nepomuceno Youth Perpetual Cup.