Arum binigyan ng ultimatum si Mayweather

Ibinigay na ni Top Rank promoter Bob Arum kay Floyd Mayweather Jr. ang pinal na alok at hanggang Lunes (ngayon sa Manila) na lang ang ultimatum nito para tanggapin ang natu-rang alok.

Ang nasabing alok ay mananatili--magsusumite si Pacquiao ng unlimited urine tests at pagpapayag ng blood test sa January at marami o higit sa dalawa nang hindi aabot sa 30 araw bago ang laban. Ang nabanggit na alok ay ilalatag ni Arum sa isang pagdinig na gaganapin sa Enero 19 sa harap ng Nevada Athletic Commissions upang madetermina kung kailangan pa ng dagdag na blood test kung kailangan.

“This is unprecedented,” pahayag ni Arum sa losangeles.com. “Our expert says blood tests are ridiculous. But we will let the commission decide. They are the governing body.”

Kapag tumanggi si Mayweather, sinabi ni Arum na aaregluhin na niya na makaharap ni Pacquiao si dating junior welterweight champion Paulie Malignaggi sa Marso 13.

“That deal will take about an hour (to make),” ani Arum.

Hindi ino-obliga ng Nevada commission ang bawat fighter na magsumite ng blood test bago ang laban. Ang batas ng kumisyon ay ang pagkuha ng urine test bago at pagkatapos ng laban, isang test na tutukoy sa 40 ibat ibang klase ng steroids masking agents at diuretics.

At kung anuman ang magiging resulta ng negosasyon, sinabi ni Arum na plano pa ring ituloy ni Pacquiao ang defamation lawsuit kontra kina Mayweather.

Hindi pa nakikipag-usap si Richard Schaefer ng Golden Boy Promotions, para kay Mayweather.   (Dina Marie Villena)

Show comments