MANILA, Philippines - Naitala ng Energen-Pampanga ang ikalawang panalo sa Nokia National Basketball Training Center (NBTC) D-League na ginanap sa University of the Assumption Gym (UA) gym sa San Fernando, Pampanga.
Tinalo ng Energen-Pampanga sa tulong ng 15 puntos ni John Manabat at 14 puntos ni Gerald David ang Purefoods-Pampanga, 91-80, sa torneong suportado ng Nokia Philippines at TAO Corporation sa ilalim ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ni Manny Pangilinan at executive director Noli Eala.
Ang Purefoods-Pampanga ay dinala ng 24 puntos ni Albert Sibal sa torneong ito na suportado rin ng San Miguel Purefoods Company, Smart Communications at Burlington.
Nakabawi ang Smart-Pampanga sa pagkatalo sa Energen-Pampanga nang padapain ang B-MEG Pampanga sa iskor na 74-65, Nagtulong sina Hector de Los Santos at Meljan Magtoto para sa 28 puntos habang gumawa naman si Dennis Villanueva ng 11 puntos.
Gumawa ng 24 si Aries Pineda para sa B-MEG.
Ang 18-and-under na torneo ay naglalayon na makadebelop ng players na mapupunta sa UAAP, NCAA, Philippine Basketball League, Philippine Basketball Association at Liga Pilipinas.