MANILA, Philippines - Kung mapagkakasunduan na ang venue, maipopormalisa na ang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather fight.
Magpapatuloy ang negosasyon para sa inaabangang megafight na napagkasunduan sa Marso 13 sa linggong darating.
Isinantabi muna ni Bob Arum ang Pacquiao-Mayweather negotiation upang pagtuunan ng pansin ang laban ng isa pa nitong alagang si Kelly Pavlik laban kay Miguel Espino sa kanilang World Middleweight Championship nitong Sabado sa Beeghly Center sa Youngstown State University na isang pay-per-view ng Top Rank.
Naghihintay na lamang ang mga negotiators na sina Richard Schaefer, chief executive of Golden Boy Promotions na kumakatawan kay Mayweather at president ng Top Rank Inc. na si Todd duBoef, itinalaga ni Arum para makipagnegosasyon para kay Pacquiao, ng offer na hihigit sa $25 milyong guarantee ni Cowboy owner Jerry Jones para ganapin ang laban sa 100,000-seater Dallas Superdome.
Bagamat ang Cowboy Stadium na may retractable roof at giant screen ang top condender na maging host ng laban, hindi pa sila nakakasiguro dahil gumagawa rin ng paraan ang Las Vegas para mai-host ang labang ito.
Kapag nakapili na ng venue ang mga negotiators, pirma na lamang ng dalawang boxers ang kulang at tuluy na tuloy na ang press conference sa January 6 upang pormal na ianunsiyo ang laban.
Balitang may inihain na ring offer ang MGM Grand Mirage, nagmamay-ari ng 19 casino sa Las Vegas kabilang ang MGM Grand kung saan idinaos ang mga malalaking laban nina Pacquiao at Mayweather. (MB)