Bulls ibinaon pa ng Whoppers

MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Burger King na magtagumpay ang paghahabol ng Barako Bull upang hatakin ang 102-99 pa­nalo sa KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Ara­neta Coliseum kagabi.

Matapos umabante ng 13-puntos, dumikit ang Bulls sa 96-99 sa tres ni Jeff Chan 46 segundo na lamang.

Umiskor si Chico Lanete ng dalawang free-throws para sa 101-96 bentahe, 10.3 ang nasa oras at humirit pa ang Whoppers sa tres ni Yousif Aljamal, 99-101.

Nakakuha ng foul si Ronjay Buenafe kay Aljamal, 2.8 segundo na lamang at umis­kor ito ng split para masigu­ro ang kanilang ikalimang panalo sa 14-laro upang ma­kaahon sa dalawang su­nod na kabiguan.

Nalasap naman ng Barako ang ikasiyam na sunod na talo at nabaon sa ilalim ng standings katabla ang Coca-Cola sa 2-11 record.

Samantala, maghihihawalay naman ang landas ng defending champion Talk N Text at Purefoods na magsasagupa ngayon sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.

Magkakatabla sa 8-5 record ang Tropang Texters at TJ Giants at Ginebra at ang magtatagumpay sa sagupaang ito ay sosolo ng ikatlong puwesto.

Parehong nanggaling sa pagkatalo ang Tropang Texters at Giants makaraang yumukod sa Aces via overtime, 113-119, at Beermen, 80-87, ayon sa pagkakasu­nod, sa kani-kanilang huling laro.

Habang sinusulat ang ba­litang ito naglalaban pa ang San Miguel (10-3) at ang Rain Or Shine (3-9).

BURGER KING 102 - Yee R. 21, Belga 14, David 14, Buenafe 12, Quiñahan 10, Matias 9, Lanete 8, Sharma 6, Billones 5, Yee M. 3.

BARAKO BULL 99 - Alonzo 18, Aljamal 19, Belano 16, Duncil 13, Faundo 11, Menor 6, Fernandez 6, Chia 5, Crisano 3, Reyes 2, Hubalde 0, Dimaunahan 0.

QUARTERSCORES: 32-23, 52-51, 80-67, 102-99.

Show comments