MANILA, Philippines - Babangon mula sa pagkasawing tinamo sa nakalipas na laban, bitbit ang bagong pag-asa, sasagupain ng The Philippine Patriots ang Kuala Lumpur Dragons ngayong araw para sa pagpapatuloy ng 1st ASEAN Basketball League (ABL) Championship sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Bagamat malungkot pa rin sa masaklap na pagkatalo sa kamay ng Brunei Barracudas, 95-70, inaasahang reresbak ang Patriots sa pang-alas 4 laban upang mabuhay ang tiket sa pagiging No. 1 seed sa Final Four.
Sa muling pagbabalik ni Noy Baclao sa hard court matapos ang pagliban nito nang lumaro muna sa Ateneo sa championship round ng Philippine Collegiate Champions League (PCCL) kontra Far Eastern University. Ang panandaliang pagkawala ni Baclao at Elmer Espiritu sa eksena ang isa sa mga naging kahinaan ng tropa.
Ngunit nananatiling alanganin pa rin ang magiging performance ni Espiritu nang magkaroon ito ng diperensya sa cheek bone nang matamaan ni American import Nakiea Miller.
Subalit nangunguna pa rin ang Patriots para sa 6-nation tournament na may 7-2 rekord ngunit hindi sila dapat maging kampante at kailangang maging matinik nina import Jason Dixon at Brandon Powell para sa Patriots at maibaon sa limot ang kanilang nalasap na huling kabiguan. (SNF)