Pacquiao-Mayweather fight sa Dallas Cowboy Stadium?

MANILA, Philippines - Kung walang makakahi­git sa $25 milyong guarantee na alok ni Cowboy ow­ner Jerry Jones sa Cowboy Stadium na gaganapin ang March 13 bout nina Manny Pacquiao at Floyd Maywea­ther Jr.

Bagamat naghihintay pa ng mas malaking offer ang mga negotiators ng inaaba­ngang laban, ang Dallas pa rin ang nangungunang ve­nue.

Sinasabing nais ni Mayweather na sa MGM Grand sa Las Vegas niya gustong mangyari ang laban ngunit tila mahihirapan ang MGM na tapatan o higitan ang of­fer ni Jones kung nais ng dalawang boxers na kumita ng mas malaki.

Ayon pa sa examiner.com, tutulong din si Dallas Mavericks owner Mark Cuban, isang bilyonaryo din tulad ni Jones na mangyari ang sinasabing pinakamalaking laban ng boxing sa 100,000 seater, Superdome na may retractable roof at nagkakahalaga ng $1.3 bil­yon.

Balitang tinawagan na ni Cuban si Mayweather na kaibigan nito, para i-lob­by ang Cowboy Stadium na unang tinanggihan ng kampo ni Mayweather nang biglaan silang magkansela ng tour.

Samantala, sa papalapit na pagsasara ng taon, sunud-sunod na ang pagkilala sa kahusayan ni Manny Pac­­quiao.

Kasama si Pacquiao sa top 10 Stars ng ESPN.

Kasama ni Pacquiao sa elite list sina race driver Jenson Button, England cric­ket captain Andrew Strauss, rugby player John Smit, South Korean golfer Ye Yang, Polish hammer-thrower Anita Wlodarcyzk, Manchester United football veteran Ryan Giggs, tennis star Kim Clijsters, Jamaican sprinter Usain Bolt at British gymnast Beth Tweddle na may kanya kanyang malalaking achievements din ng nagdaang taon. (Mae Balbuena)

Show comments